Saturday, January 20, 2018

Pagkakataon

Ngayon ang ikalimang taon buhat ng tayo ay nagkahiwalay. Katulad na haba ng panahon din tayo nagsama. Nakaupo ako sa aking kama, pula na ang mga mata sa nakaraang pag-iyak habang iniisa-isa ang laman ng kahon ng iyong mga alaala.

Kinuha ko ang boarding pass natin noong unang plane trip nating magkasama, at ibinalik na sa kahon. Sa ilalim nun, ang kahulihulihang small note na ibinigay mo sa akin.

“Magmahal ka na ng iba.”

Tinignan ko ang litrato natin na nasa maliit na picture frame sa tabi ng lampshade. Sino makakapagsabi na sa kabila ng mga ngiti natin ay ang nagbabadyang katapusan.

Kinuha ko ang picture frame. Niyakap. Pumikit ako at sa isang malalim na paghinga ay pilit kong sinariwa ang lahat ng ating masasayang alaala.

“Magmahal ka na ng iba.”

Tumunog ang aking cel phone. Si Kenneth.

“Magkikita ba tayo bukas?”

Kinuha kong muli ang ating litrato. Kuha nung gabi bago mo sinabi na may sakit ka.

Nginitian kita. “Hindi kita malilimutan, Paolo.”

Sa huling sandali, iniwan ko sa lamesa ang ating litrato, at itinabi na sa ilalim ng kama ang iyong kahon.

“Gusto mo manood ng sine bukas, Ken?”