Tuesday, September 15, 2015

Bisita


May saya ang aking mga hakbang habang tinutungo ko ang lugar kung saan ka naroon. Sinuot ko ang bagong bili kong polo, at pabangong gustong-gusto mong naamoy. Bitbit ko rin ay isang dosenang pulang rosas, mga bagong putol at kakasimula pa lamang mamukadkad.

Naalala ko nung una kitang binigyan ng bulaklak. Araw ng mga puso iyon mga ilang taon na ang nakakaraan. Pulang rosas din, ngunit noon ay isa lamang. Tago tayo parehas, pero buong pagmamayabang mong binitbit ang nasabing rosas hanggang sa tayo ay makauwi. Lumilipad ang puso ko ng mga sandaling iyon, gaya ng madalas kong nararamdaman sa tuwing kasama kita.

Ilang sandali pa, nakita ko na kung nasaan ka naroon. Napangiti ako. Umupo ako sa tabi mo. Panandalian kong pinagmasdan ang luntian ng mayabong na mga puno at damo sa paligid.

"Tatlong taon na ang nakalilipas. Wala pa ring nagbabago. Mahal na mahal pa rin kita, Marco."

Tinanggal ko isa-isa ang mga natuyong dahon at nilinis ko ang puting marmol. Matapos ay maingat kong inayos ang mga rosas sa ibabaw nito. At ako'y nagtampisaw sa karagatan ng masasayang alaala mo.

(Graphic taken from: hamiltongardens.co.nz)


 

No comments:

Post a Comment